Tiniyak ng Department of Justice na patuloy na gumugulong ang imbestigasyon ng kagawaran hinggil sa mga kasong nakabinbin may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Ito ang naging pahayag ni Justice Sec. Fredderick Vida sa publiko sa kabila ng kinakaharap na problema ng bansa na krisis sa gasolina.
Pangamba kasi ng ilan na posibleng matabunan ng isyu sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang patungkol sa usapin pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa korapsyon.
Kung kaya’t makaseseguro umano na hindi nahinto ang kanilang pag-iimbestiga at aksyon nang sa gayon ay mai-refer na sa Office of the Ombudsman ang mga kaso.
Subalit aminado ang naturang kalihim na sa kabila ng maihain o maibalik ito sa tanod-bayan, wala parin kasiguraduhan kung ito’y iaakyat ng Ombudsman sa kaukulang korte bilang kaso.
Mayroon aniya kasing sariling panuntunan ito sa pag-apruba ng rekomendasyon o referral na kanilang isusumite sa tanggapan matapos italaga para magsagawa ng prelimianry investigation.
















