Pinatitiyak ng Department of Health (DOH) sa mga manager ng cold chain facilities na maging handa kasunod ng anunsyo ng PAGASA ( Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) na opisyal nang nagsimula ang panahon ng tag-ulan sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, nakapaglatag na ng service continuity plan ang pamahalaan para sa mga cold chain facilities na prone o kadalasang binabaha at dumadanas ng pagguho ng lupa.
Dapat aniya ay masigurong ligtas ang mga bakuna kontra Coronavirus Disease (COVID) sa mga aasahang brownout, baha at landslide sa gitna ng mga pag-ulan.
Kung maging alanganin naman sa mga pasilidad, mabuting ilipat na lamang agad ang mga COVID vaccines sa mas ligtas na lugar.
Hinggil naman sa cold storage facility sa Marikina na kilalang flood prone, nailagay na sa second floor ang mga bakuna bago pa man dumating ngayong taon ang malakas na bagyo.
















