-- Advertisements --

Natapos na raw ng Philippine Society of Pathologists ang ginawa nilang pag-aaral sa pooled-testing bilang alternatibong stratehiya ng bansa para sa COVID-19 testing.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, dumadaan na lang ito sa evaluation, na siyang huling proseso para malaman kung epektibo ba at ligtas gamitin ang pooled-testing.

Paliwanag ng opisyal, sakaling matagumpay ang resulta ng evaluation ay agad ipapatupad ang pooled-testing. Pero doon lang sa mga low-prevalence areas o mga lugar na hindi mataas ang numero ng COVID-19 cases.

Hindi na raw kasi magiging reliable ang resulta ng pooled-test kung gagawin ito sa high-prevalence areas o mga lugar na marami ang kaso ng sakit.

“Kapag pinool mo yung mga sample na ‘yan, ang dami pa ring positive na lalabas kasi ng high ang prevalence. Ibig sabihin ite-test mo pa rin isa-isa ‘yang mga ‘yan.”

“We are going to have pooled-testing, it is for us to use this for specific sectors of the population. For example doon sa mga vendors, cashier sa mga bangko. Yung mga ganitong mga hindi natin iniisip na mataas ang prevalence at name-measure natin na mababa ang prevalence among this sector. By doing that, we will be efficient.”

Sa gagawing evaluation, aalamin din daw kung hanggang ilang samples ang epektibo para pagsamahin sa pooled-test.

Sa ilalim ng pooled-testing pagsasamahin sa isang test ang samples na kukunin sa isang grupo. Kung may magpo-positibo na sample sa mga tinest, ay isasailalim muli sa hiwalay na confirmatory test ang host o pinagkuhanan nang nag-positibong sample.