Nananatiling mataas ang kaso ng clustering ng COVID-19 cases sa bansa, sa mga komunidad at pampublikong transportasyon ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa data ng ahensya, may kabuuang 1,742 cumulative total ng COVID-19 clusters sa Pilipinas. Ang 84.9% o 1,480 raw mula sa mga ito ang nasa komunidad.
Sumunod sa pinakamarami ang kategorya ng “other settings” na may 8.09% o 149 clusters, kung saan pasok ang mga pampublikong sasakyan at siyam na business processing output (BPO) companies.
Samantala, 5.11% o 89 ang naitalang COVID-19 clusters sa mga ospital at health facilities. Habang 1.84% o 32 clusters sa mga jail at prison facilities.
Ayon sa DOH, tinatawag na clusters ang mga lugar na patuloy na nadadagdagan ng mga kumpirmadong kaso.
Nagpaalala si Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa mga manggagawa sa BPO industry na panatilihing malakas ang kanilang resistensya.
Ayon sa opisyal kahit vulnerable sa sakit ang mga may mahinang resistensya, ang exposure sa isang confirmed case pa rin ang paraan nang pagkahawa sa COVID-19.
“Lagi nating sinasabi dapat ang immune system ay malakas para di tayo maapektuhan ng sakit na ito. And when you do nightshifts usually you lack sleep, oo nagiging vulnerable sila because of that pero kailangan natin alalahanin na para magkaroon ng impeksyon ang isang tao kailagan may exposure.”
Dagdag pa ni Vergeire, mahalagang sundin ang mga paalala sa minimum health standard para maiwasan ang banta ng pagkahawa sa COVID-19.