Pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) kung kanila bang irerekomenda ang paggamit ng antigen self-kits para ma-detect ang COVID-19, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na nakipagpulong na ang DOH sa Food and Drug Administration, Research Institute for Tropical Medicine at kanilang mga eksperto.
Kailangan aniya na matiyak na wasto ang paggamit talaga ng self-test antigen dahil mayroon aniyang tinatawag na “right test at the right time” bukod pa sa appropriate use nito.
Magugunita na isinusulong ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kamakailan ang paggamit ng antigen self-kits sa kanilang lungsod para mapabilis ang detection ng COVID-19 cases sa harap ng banta ng Omicron variant.
Sinabi ng alkalde na hihingi rin siya ng approval mula sa National Task Force for COVID-19 sa pamamagitan ni Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr.










