Epektibo sa unang araw ng Enero 2022 ay hindi na maglalabas ang Department of Health (DOH) ng kanilang daily case bulletin para Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Pero ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaari pa ring ma-access ng publiko ang datos na ito sa pamamagitan nang pagbisita sa website ng DOH.
Hindi naman nagbigay ng anumang paliwanag ang opisyal sa pagbabagong ito.
Ilan tuloy sa mga netizen ang agad kumwestiyon sa desisyon ng DOH lalo’t mayroon na namang naitatalang pagtaas sa mga bagong COVID-19 cases ngayong holiday season, bukod pa sa nadagdagan ang bilang ng Omicron variant cases sa Pilipinas.
Kung maaalala, sa nakalipas na taon ay aabot na sa 650 bulletins ang nailalabas ng DOH para sa publiko sa pamamagitan ng kanilang social media pages at Viber groups.
Nakapaloob sa naturang bulletin ang bilang ng naitatalang bagong COVID-19 infections, mga namatay, gumaling, active cases at kakayahan ng mga testing laboratories.
















