Sumampa na sa higit 10,000 ang bilang ng mga healthcare workers sa Pilipinas na tinamaan ng COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa ulat ng DOH, 356 pa ang nadagdag sa bilang ng medical frontliners na tinamaan ng sakit, kaya naman nasa 10,178 na ang total ng healthcare workers na na-infect ng sakit.
Mula sa nasabing total, 9,562 na ang gumaling dahil sa 462 additional recoveries. Samantalang 63 na ang namatay matapos pang madagdagan ng dalawa. Ang active cases naman o mga nagpapagaling ay nasa 553 pa.
Pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 ang mula sa hanay ng nurses na nasa 3,543. Ang 17 sa kanila ay binawian ng buhay. Sinundan ng mga physicians o doktor na may 1,801 cases; nursing assistants sa 774 cases; medical technologists sa 475 cases; at midwives na may 262 cases.
Bukod sa medical workers, may mga infected din sa hanay ng mga non-medical staff ng health facilities tulad ng mga administrative staff, security guards, driver, social workers at iba pa.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) na aabot sa halos 9,000 o 8,980 human resources for health na-hire ng gobyerno para maging dagdag na pwersa sa COVID-19.
Nai-deploy na raw ang mga hired health human resource sa iba’t-ibang pasilidad tulad ng malalaking quarantine facilities, government hospitals, at iba pang health facilities.
Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), mas maraming benepisyo na raw ang aasahan ng health care workers na mahi-hire at magsisilbi sa COVID-19 respons ng gobyerno.










