-- Advertisements --

Nanawagan si House Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor sa Department of Finance (DOF) na ipaliwanag ang P1.86 trillion halaga ng loans ng pamahalaan mula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon.

Sa isang statement, sinabi ni Defensor na nagtatanong na ang publiko hinggil sa utang na ito ng pamahalaan, partikular na kung saan nagamit ang naturang halaga at kung bakit magkakasunod ang pag-loan.

Dapat aniya idetalye ng DOF kung magkano sa P1.86 trillion ang napunta sa COVID-19 response measures, magkano ang napunta para sa infrastructure, magkano ang ginamit sa pagbayad ng utang, at kung magkano naman ang nagamit sa pasahod.

Tinukoy ni Defensor na sa budget hearing kasama ang Development Budget Coordination Committee, sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado na hanggang noong Agosto 28, P389 billion na ang nailalabas ng DBM para sa COVID-19 response.

Sa naturang halaga, P266.53 billion ang kinuha mula sa mga discontinued projects, activities and programs (PAP) sa 2019 at 2020 budgets, habang P102.06 billion naman ang nanggaling sa special purpose funds at P20.48 billion mula sa regular agency appropriations.

Nasa P211 billion sa naturang halaga ang ginamit naman para sa first at second tranche ng emergency cash subsidies para sa 18 million low-income families sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.