-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) ang ligtas na pagdaan ng mga suplay ng langis ng bansa sa Strait of Hormuz matapos mangako ang Iran nang “safe, unhindered, and expeditious passage through the Strait of Hormuz” ng mga Philippine-flagged vessels, pati na rin ang kaligtasan ng mga Tripulanteng Pilipino.

Sa isang social media post sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, na bahagi ito ng ”Risk Management” ng gobyerno upang mabawasan ang panganib ng pagkaantala ng suplay ng langis sa gitna ng umiinit na labanan sa Gitnang Silangan.

“This is Risk Management, because in a time of global tension, risk reduction is already a meaningful gain,” ani Garin sa isang post.

Malaki ang papel ng Strait of Hormuz sa pandaigdigang kalakalan ng langis dahil dito dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng krudo sa buong mundo.

Gayunpaman, nilinaw ni Garin na hindi ito nangangahulugan ng agarang pagbaba ng presyo ng langis sa bansa. Aniya, nakatuon ang kasunduang ito sa pagpapababa ng panganib, ngunit hindi nito tinutugunan ang pangmatagalang suliranin sa enerhiya.

“We also want to manage expectations: This development will not immediately bring down fuel prices, nor does it resolve our long-term structural challenges in energy. Those remain priorities that we continue to address,” dagdga ni Garin.

Samantala, inaasahan pa rin ang panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo. Tinatayang maaaring tumaas ang diesel ng P17 hanggang P19 kada litro, habang ang gasolina naman ay posibleng madagdagan ng P3 hanggang P5 ang kada litro.

Dagdag pa rito, patuloy na nararanasan ang sunod-sunod na oil price hike ngayong taon, na nagdulot ng malaking dagdag-pasakit sa mga motorista at mamimili.