-- Advertisements --

Hindi nagustuhan ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang ginawang pang-iinsulto ng China kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa pagpapatawag ng China kay ambassador ng Pilipinas upang pagpaliwanagin kasunod ng ipinaabot na pagbati ni President Marcos Jr. kay Taiwan presiden-elect Lai Ching-te.

Sa isang statement ay pinalagan ito ni Sec. Teodoro kung saan sinabi pa niyang ibinaba lamang ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning ang kaniyang lebel, pagkatao, at maging ang imahe ng kaniyang kagawaran, partido, at bansa para insultuhin ang ating pangulo.

Ngunit gayunpaman ay sinabi pa ng kalihim na hindi na nakapagtataka pa ang ginawa at pananalitang ito ng naturang Chinese official na isa aniyang kinatawan ng isang partido at sistema ng gobyerno na ugali at regular na naglalabas ng mga “state-sponsored propaganda” at “disinformation”.

Nag-ugat ang mga pahayag na ito ni Sec. Teodoro mula sa ipinahayag na babala ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning sa Pilipinas na huwag maglaro ng apoy partikular na sa isyu ng Taiwan kaya’t dapat raw na tigilan na ng ating bansa ang pakikisawsaw sa mga isyung may kaugnayan dito.

Isang malaking paglabag daw kasi umano sa One China Principle ang ginawa ni Pangulong Marcos Jr. na pagbati sa bagong pangulo ng Taiwan.