-- Advertisements --

Papayagan na ang dine-in sa mga restawran o mga karinderia sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula June 15.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Trade Sec. Mon Lopez na ito ang napagkasunduan nila sa meeting ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) kahapon.

Ayon kay Sec. Lopez, magiging limitado lamang sa 30 porsyento ng mga karaniwang kustomer ang papayagang kakain sa loob ng isang restwaran, kumpara sa 50 porsyento sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ).

Inihayag ni Sec. Lopez na noong isang linggo pa sila nagbigay ng health protocols at guidelines sa mga restawran para makapaghanda bago muling magbubukas o papayagan ang dine-in.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng 1.5 metro na pagitan ng mga mesa, paglalagay ng acrylic o glass dividers sa mga customers, cashless o no-contact payment, pagpapanatili sa kalinisan ng mga staff at customers sa pamamagitan ng mga handwashing at sanitation area.

Nagbabala naman si Sec. Lopez na magsasagawa sila ng mga inspeksyon sa mga restawran at agad ipapasara kung hindi sumusunod sa mga health protocols.