-- Advertisements --

DepEd-7, tutol sa total ban ngunit pabor sa regulasyon ng cellphone sa mga paaralan

Nilinaw ng Department of Education-7 na mas mainam ang mahigpit na regulasyon sa paggamit ng cellphone sa mga paaralan kaysa sa ganap na pagbabawal nito.

Inihayag ni DepEd-7 Regional Director Dr. Arturo Bayocot, maaaring ipunin muna ang mga cellphone ng mga estudyante habang nagpapatuloy ang klase at ibalik lamang ang mga ito pagkatapos ng oras ng pagtuturo.

Binigyang-diin pa niya na nakasaad sa DepEd Order No. 6, Series of 2026 o Effective School Management and Learning Environment (ESMLE) policy na dapat regulahin ang paggamit ng mga mobile device sa loob ng paaralan.

Sa ilalim ng polisiya, hindi maaaring gumamit ng cellphone ang mga estudyante habang isinasagawa ang klase, maliban kung ito ay bahagi ng learning activity na iniatas ng guro.

Pahayag ito ni Bayocot kasunod ng direktiba ng ilang lokal na opisyal na ipagbawal ang paggamit ng cellphone sa mga paaralan bilang hakbang sa kaligtasan matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Aniya, na mahalagang kasangkapan na ang cellphone sa makabagong edukasyon, lalo na sa technology-assisted instruction, pananaliksik, at paggamit ng digital learning platforms.

Gayunman, kinakailangan pa ring kontrolin ang paggamit nito upang maiwasan ang mga abala sa pag-aaral.