
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang kumpirmadong kaso ng avian influenza na naihawa sa tao dito sa Pilipinas kasunod ng pagkakatuklas nito sa ibang mga bansa.
Sinabi ni Dr. Alethea De Guzman, DOH Director IV ng Epidemiology Bureau, na ang bansa ay kasalukuyang nasa Stage 2 response plan na nangangahulugan na ang viral disease ay nakita sa mga domestic birds.
Ayon pa kay Dr. De Guzman na walong rehiyon ang nanatiling apektado ng avian influenza sa bansa bagama’t hindi na binanggit pa ng DOH official kung saang mga rehiyon.
Subalit ang Ilocos Sur at North Cotabato ay kasalukuyang mayroong mga aktibong kaso ng nasabing sakit na tumama sa mga native na manok at itik.
Samantala, siyam na munisipalidad mula sa Camarines Sur, Davao del Sur, at Bataan ang nakarekober na mula sa epekto ng avian influenza.
Paliwanag nI Dr. De Guzman na ang avian influenza ay isang viral disease na nakakaapekto sa mga itik, gansa, maya, at mga manok.
Sinabi ni Dr. De Guzman na ang mga malubhang strain na tinatawag na highly pathogenic avian influenza ay kinabibilangan ng H5N1 virus, na kilalang nakamamatay sa mga tao at ibon.
Naihahawa aniya ang sakit sa tao kapag nagkaroon ng close contact sa may sakit na ibon at mga kontaminadong bagay.
Sa datos mula Enero 2003 hanggang Nobiyembre 25, 2022, hindi bababa sa 868 na kaso ng avian influenza sa tao ang naiulat mula sa 21 bansa habang nasa 455 indibidwal ang namatay sa viral disease.
Gayunpaman, sinabi ni De Guzman, ang H5N1 virus ay hindi kasalukuyang pandemya dahil hindi ito madaling maipasa mula sa tao patungo sa ibang tao at hindi ito nakaapekto sa malaking bilang ng mga tao.
Kaya’t ang ginagawa aniyang hakbang dito ay hindi lamang binabantayan ang mga taong pumapasok sa ating borders kundi maging ang mga poultry products.