Inihayag ng defense team ni VP Sara Duterte na naiintindihan nila ang desisyon ng Supreme Court na pagbasura sa petisyong kumukuwestyon sa mga serye ng hearing ng House Justice Committee ukol sa impeachment complaint laban sa bise presidente.
Ayon kay Defense team Deputy Spokesperson Atty. Justin Nicol Gular, ang pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon ay hindi batay sa merito o bigat ng kanilang argumentong nakapaloob sa naturang petisyon.
Sa halip aniya, nabasura ito dahil sa pagiging ‘moot and academic’ dahil umuusad na ang pagdinig sa mataas na kapulungan ng Kongreso na nagsisilbi ngayon bilang impeachment court.
Dati na rin aniyang inasahan ng depensa ang naturang desisyon at nirerespeto ng panel desisyon ng kataas-taasang hukoman.
Kahapon (Aug 5) ay inilabas nga ng Supreme Court ang desisyon nito sa mga pinagsama-samang (consolidated) petition na inihain pa noong kasagsagan ng pagtalakay ng Justice Committee sa mga reklamo laban kay VP Sara.
Ang mga naturang petisyon ay inihain ng kampo ni VP Sara at ng iba pang mga grupo ng abogadong kilalang supporter ng pamilya Duterte.
















