Hinikayat ni Sen. Bong Go ang Executive branch na i-review at palakasin ang health and safety protocols na ipinatutupad lalo na sa mga bumibiyahe sa mga lalawigan para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19 disease.
Sinabi ni Sen. Go, kahit niluwagan na ang community quarantine measures sa iilang lugar, higpitan pa rin ang mga patakaran na kaugnay ng pagbiyahe patungo sa mga probinsya para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit.
“May mga lugar tulad sa Mindanao na mababa ang kaso ng COVID-19. Hirap na tayong mapigilan ang pagkalat dito sa Metro Manila, huwag na nating hayaan na kumalat pa doon sa mga probinsya ang sakit,” ani Sen. Go.
Ayon kay Sen. Go, gaya ng rekomendasyon ng ilang opisyal at stakeholders, dapat sumunod sa mga health and safety protocols at kukuha ng clearance bago bumiyahe ang mga flights, bus, vessels at fast craft ships papunta sa ibang lalawigan.
Inihayag ng mambabatas na dapat magsagawa ng COVID-19 testing sa mga pasahero bago ang biyahe at dapat aalis agad para maiwasan pa ang exposure sa virus matapos mag-negatibo ang resulta.









