-- Advertisements --

Direktang pinangalanan ni Philippine Coast Guard spokesman Commodore Jay Tarriela ang dalawang vlogger na PIilipino na nagpapakalat umano ng naratibo ng China sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Sa pagdinig ng House Tri-Committee noong Huwebes, inusisa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si Tarriela tungkol sa mga vlogger na nagpapalaganap ng naratibo ng China ukol sa WPS.

Muling tinanong ni Barbers si Tarriela kung sinu-sino ang tinutukoy nitong mga vlogger na itinutulak ang naratibo ng China sa isyu ng WPS.

Tinukoy ni Tarriela ang mga vlogger na sina Mark Anthony Lopez at Adolfo “Ado” Paglinawan, na kanyang inilarawan bilang mga nagpapalaganap ng mga kontra sa katotohanan ng inilalahad ng gobyerno ng Pilipinas sa ating laban sa WPS.

Tinanong ni Barbers si Paglinawan ukol sa kanyang paninindigan sa isyu ng WPS.

Sagot ni Paglinawan, na walang itinatayo na structure ang China sa mga inookupahang feautres ng Pilipinas sa West Phil. Sea.

Sinalungat ni Barbers ang pahayag ni Paglinawan, ayon sa Kongresista sabi ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea) kasi ‘yung area na ‘yun ay atin.

Binigyang-diin naman ni Tarriela batay sa 2016 Arbitral award pinawalang bisa na nito ang anumang claims ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.

Nang tanungin naman ni Manila Rep. Bienvenido Abante, sinabi ni Paglinawan na hindi siya abogado subalit marunong siya magbasa.

Tinanong siya ni Abante kung ipinagtatanggol ba niya ang China, na kanyang itinanggi.

Matapos ang ilang palitan ng sagot, pinagsabihan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop si Paglinawan na maghintay muna ng pagkilala mula sa presiding officer bago magsalita, kung hindi ay maaaring siyang ma-contempt at makulong.

Tungkol naman kay Lopez, minsan siyang nag-post sa Facebook na gumamit umano ng water cannon ang Philippine Coast Guard laban sa Chinese counterpart nito, kahit kabaligtaran ang nangyari.

Naglabas naman ang Facebook ng klaripikasyon para itama ang pahayag ni Lopez.

Noong Marso, humingi ng paumanhin si Lopez sa Tri-Comm sa pagpapakalat ng maling impormasyon.