LEGAZPI CITY – Tutok ang atensiyon ngayon ng Department of Agriculture (DA) Bicol sa lalawigan ng Masbate maliban sa iba pang lugar na binabantayan, matapos ang African Swine Fever (ASF) outbreak sa mga bayan ng Aroroy at Milagros.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DA Bicol information officer Emily Bordado, nagtalaga ng command center sa island province sa tulong ng mga tauhan mula sa regional office.
Nilalayon nitong mapigilan ang patuloy na pagkalat ng ASF sa iba pang bayan.
Samantala, nasa 66 na bayan at lungsod na rin sa Bicol ang apektado ng ASF habang nasa 12 na lang ang nasa “green zones” o safe zones.
Sa buong rehiyon, pumalo na rin sa higit 21, 000 ang mga baboy na isinailalim sa depopulation habang 2, 731 sa higit 3, 000 na backyard hog raisers ang napaabutan ng tulong.










