-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na gagamitin ng mga kritiko ng administrasyon ang guilty verdict ng korte kay Rappler CEO Maria Ressa sa kasong cyber libel laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque na si Pangulong Duterte ay sumusuporta sa malayang pamamahayag at naninindigan ito na ang mga opisyal ng pamahalaan ay hindi dapat balat-sibuyas, at dapat na tinatanggap ang mga batikos lalo na ‘yung nagmu-mula sa media.

Sinabi ni Sec. Roque na katunayan, wala pang indibidwal o mamamahayag ang sinampahan ni Pangulong Duterte ng reklamong libelo simula noong alkalde pa lamang ito hanggang ngayong pangulo na ito ng Pilipinas.

Ayon kay Sec. Roque, tutol nga si Pangulong Duterte sa pagsasampa ng kasong libelo laban sa isang mamamahayag kaya sinuportahan nito noon ang naging hakbang ni Alexander Adonis, isang Davao journalist na iakyat sa UN Committee ang libel case na isinampa ni dating Davao Rep. Prospero Nograles.

Kinuwestiyon ni Adonis ang criminal libel sa Pilipinas at pinanigan siya ng UN Committee.

Binigyang-diin pa ni Sec. Roque na walang basehan ang pahayag ni Ressa at ni Sen. Risa Hontiveros na mayroong kinalaman sa freedom of expression at pagpapatahimik sa mga kritiko ng administrasyon ang hatol ng korte dahil walang kinalaman dito si Pangulong Duterte.
Korte umano ang nagbaba ng hatol batay sa batas na ipinasa noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.