-- Advertisements --

Posible raw na lumobo sa 700 ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections sa buong bansa kada araw sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay Department of Health (DoH) Officer-in-charge Maria Rosario-Vergeire, ito ay kung mayroong bagong variant ng nakamamatay na virus ang makapasok sa bansa.

Lolobo rin umano ang kaso ng covid kapag hindi nasunod ang minimum public health standards.

Sa isang pahayag, sinabi ni Vergeire na ang kanilang pinakahuling projection ay papalo sa 730 ang bilang ng mga madadapuan ng nakamamatay na virus pagsapit ng Pebrero 15 kapag hindi nasunod ang health protocols at kung mayroong papasok na mas nakahahawang variant ng COVID-19.

Pero agad namang nilinaw ng Department of Health na ito ay pagtaya lamang para makapaghanda na ang ating mga kababayan.

Samantala, oobserbahan naman daw ng Health department sa loob ng dalawang linggo kung mayroong epekto ang piyesta ng Poong Itim na Nazareno sa COVID-19 transmission sa bansa partikular sa National Capital Region (NCR).

Hinikayat naman nito ang mga debotong obserbahan ang kanilang mga sarili kung mayroon silang COVID-19 symptoms at panatilihin ang pagsusuot ng face masks kahit sa loob lamang ng limang araw.

Naobserbahan naman daw nilang kahit dikit-dikit ang mga deboto ay karamihan naman sa mga ito ay nakasuot pa rin ng face masks.