Nanguna sa isang malawakang kilos protesta sa Glasgow ang kilalang Swedish environmental activist na si Greta Thundberg sa harap ng nagpapatuloy na COP26 climate summit.
Kasama ang ilang libong kabataan, kabilang na ang mga estudyante, nagmartsa patungo sa lungsod sina Thunberg.
Nang dumating sila sa George Square, nagsalita si Thunberg sa harap ng masa at iginiit ang “immediate and drastric” cuts sa carbon emissions.
Tinawag din niyang “failure” ang COP26, at sinabing ang krisis na kinakaharap ng mundo sa ngayon patungkol sa carbon emissions ay hindi malulutas ng kaparehong pamamaraan sa kung paano narating ng lahat ang kasalukuyang sitwasyon.
Pinasaringan din niya ang mga makapangyarihang tao na tila may sariling bubble malayo sa mga ordinaryong mamamayan.
Madali lamang aniya sa mga ito na sabihin na basta mawawala ang krisis na kinakaharap ng mundo laban sa carbon emission kahit pa sa katotohanan ay ngayon pa lamang mistulang nasusunog na ang mundo dulot ng climate change.
Ang 18-anyos na Swedish climate activist ay nakilala nang magprotesta siya sa labas ng Swedish parliament noong 2018.
Siya ay ilang beses nang nanomina sa Nobel Peace Prize at kinilalang 2019 Person of the Year ng TIME. (BBC)









