LA UNION – Dead on arrival sa pagamutan ang isang construction worker nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang kotse sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Urbiztondo, San Juan, La Union.
Nakilala ang biktima na si Sherwin Tamsi, residente sa nasabing lugar.
Habang ang respondent driver at nagmaneho ng kotse ay nagngangalang Mark Aldrin Dela Cruz, 35-anyos, residente ng Brgy. Bulala, Bacnotan, La Union.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan Police Station, tinatahak ng biktima ang kalsada sa hilagang direksyon nang bigla na lamang sumalpok sa kasalubong na kotse matapos umanong umagaw ng linya.
Dinala ang biktima sa ospital ngunit idineklarang patay na ng attending physician.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Police Master Sergeant (PMSgt.) Raymund Laron ng San Juan Police Station, kinumpirma nito na hindi magsasampa ng reklamo ang pamilya ng biktima matapos makipag-ayos si Dela Cruz na magbabayad ng danyos.