-- Advertisements --
Suspek sa pagpatay ng kasamahang construction worker 1

CEBU CITY – Inaresto nitong Miyerkules, Nobyembre 10, ng mga sakop ng Mandaue City police ang isang lalaking suspek sa pagpatay nito sa kapwa construction worker.

Nangyari ang pag-aresto sa 53-anyos na suspek na si Johnny Torres sa Brgy. Canduman lungsod ng Mandaue.

Nakilala naman ang biktima na si Giare Palahayay, 32-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman pa ang mga ito bago nangyari ang krimen at hinihintay lang umano na makatulog ang biktima.

Pinalo ni Torres ang ulo ni Palayahay gamit ang isang bakal at sinaksak gamit ang improvised ice pick na may haba na 1.6 feet.

Nagkaroon ng mga sugat sa ulo ang biktima at mga tama ng pagkasaksak sa katawan na umabot sa humigit-kumulang 20 dahilan sa agarang pagkamatay nito.

Agad namang nahuli si Torres matapos nagsagawa ang mga otoridad ng hot pursuit operation.

Dagdag pa ng pulisya, may nangyari nang alitan ang dalawa bago ang insidente.

Sa ngayon, nakadetain na ang suspek at nakatakdang sampahan ng karampatang kaso.