Inaasahan na umano ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves na siya na naman ang pagbibintangan sa pagpaslang kay Gov. Roel Degamo.
Sa kanyang inilabas na pahayag, sinabi pa ni Teves na wala silang makukuhang benepisyo sa pangyayaring ito.
Kung may balak man umano siyang gawin ito ay noon pa man bago mag-eleksyon ay ginawa na niya.
Dagdag pa ng kongresista na may isang tao na gusto siyang idiin at ang iba’y gustong sumikat para sa sariling kapakanan ngunit hindi naman nito pinangalanan.
Samantala, umapela naman ito kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na maibalik na ang lisensya ng kanyang mga baril para sa kanyang proteksyon at ng kanyang pamilya.
Nagpaabot din ito ng pakikiramay sa pamilya ng namatayan at idinagdag na masakit ang mawalan ng mahal sa buhay dahil siya man din mismo ay namatayan pero ang pinagkaiba lang umano nito sa kaso sa gobernador ay wala pa ring nahuling may kagagawan sa krimen..
Nanawagan din ito sa umano’y nagdiin sa kanyang na wag siyang gamiting instrumento para sa pansariling kapakanan dahil hindi pa umano ito nakabubuti sa kanyang distrito at sa lalawigan.
Napag-alaman na ang opisyal ay kasalukuyang nasa labas ng bansa dahil nagpapagamot.










