-- Advertisements --

NAGA CITY – Kinumpirma ni dating Camarines Sur 1st District rep. at former Majority Floor Leader Rolando Andaya na cancer ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang asawa na si CamSur 1st District Rep. Marissa Andaya.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ni Andaya, sinabi nitong halos pitong taon ding nakipaglaban sa naturang sakit ang kanyang asawa.

Ayon sa dating kongresista, bagama’t may iniindang karamdaman ay hindi tumigil ang kanyang maybahay sa pagtulong sa kanyang mga kababayan kasabay ng lockdown dahil sa coronavirus pandemic.

Hanggang sa muli aniyang bumalik sa Maynila noong unang linggo ng Hunyo para sa scheduled medical check-up.

Sa ngayon, isinasapinal pa ang funeral details at libing ngunit umapela ang pamilya Andaya sa publiko na maging pribado muna ang burol upang maayos na makapagluksa.