Nagbabala ang Commission on Election (Comelec), DILG at PNP sa mga pulitikong makikisawsaw sa gagawing pamamahagi ng fuel subsidy sa harap nang nagpapatuloy na campaign period para sa eleksyon sa susunod na buwan.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenes, huwag susubukan ng mga pulitiko na gamitin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa kanilang pangangampanya dahil sa mahaharap sila sa kaso.
Ang LTFRB ang authorized na mamahagi ng fuel subsidy sa mga tricyle operators at drivers at hindi ang kung sino sinong pulitiko lang.
Sinabi naman ni DILG Secretary Eduardo Año na aabot sa 1.2 milyong tricycle operators at drivers ang makakakuha ng fuel subsidy batay na rin sa ipinadalang listahan ng mga local government units nationwide.
Ang listahan aniya ng mga benepisyaryo ay isusumite nila sa LTFRB.
Sa ngayon kalahati aniya ng kabuuang bilang ng mga benepisyaryo ay naisumite na sa LTRFB habang naghihintay pa sila ng listahan mula sa ibang LGUs.
Sa panig naman ng PNP, tiniyak ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, magbabantay sila sa pagsasagawa ng pamamahagi ng fuel subsidy upang matiyak na hindi ito magagamit sa pangangampanya ng mga pulitiko.
Matatandaang nagbigay ng fuel subsidy ang gobyerno sa mga tsuper at operators matapos ang pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa gyera sa pagitan ng Russia at Ukriane.