-- Advertisements --

Inalala ng aktor na si Coco Martin ang mga pinagsamahan nila ng namayapang aktres na si Jaclyn Jose sa kaniyang eulogy noong ikalawang gabi ng burol ng aktres. Hindi niya raw mararating kung nasaan man siya ngayon kung hindi dahil kay Jaclyn. 

Marami umanong pagkakataon na hindi siya natanggap sa mga role sa telebisyon dahil na rin aniya sa mga mature roles na ginawa niya noong nagsisimula pa lamang siya. Kaya pakiramdam niya ay hindi umano siya welcome sa telebisyon. 

Ngunit si Jaclyn Jose umano ang nagsabi sa kaniyang tanggapin ang offer ng direktor na si Andoy Ranay para sa isang teleserye. Kaya kahit pakiramdam niya raw na hindi siya welcome sa telebisyon ay tinanggap niya ang naturang offer dahil mahal at nirerespeto niya si Jaclyn. 

Pagkatapos nito ay sunod-sunod na proyekto na ang ginampanan ni Coco Martin. Dagdag pa ni Coco, utang na loob niya kay Jaclyn kung ano man ang narating niya ngayon dahil ang aktres ang nagkumbinsi sa’kanyang pumasok sa ABS-CBN. 

Matatandaan na napanood ang namayapang aktres sa teleserye na pinagbibidahan ni Coco na FPJ’s Batang Quiapo bilang Dolores Espinas.