-- Advertisements --

Inanunsiyo ngayon ng pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) na simula sa December 22, 2022 hanggang sa January 25, 2023 tatanggap na ang Civil Service Commission (CSC) ng mga aplikasyon para sa mga nais kumuha ng March 26, 2023 Career Service Examination-Pen and Paper Test kapwa para sa Professional at Subprofessional Levels.

Bukod dito, magkakaroon din ang CSC ng ‘special application period’, mula December 14 hanggang December 21, 2022 para sa mga examinee ng nakansela March 15, 2020 CSE-PPT at nagnanais na kumuha ng naturang examination sa March 26, 2023 sa halip na kunin ang kanilang refund.

Paalaala ni CSC chairperson Karlo Alexie Nograles, ang pagtanggap ng applications ay ‘first-come, first-served basis’ kung saan ang bawat CSC Regional o Field Office ay maaaring magpasyang ihinto ang pagtanggap ng aplikasyon kahit bago pa dumating ang itinakdang deadline kapag naabot na nito ang target number ng applicants.

Sinabi ni Nograles, inaasahan ang pagkakaroon ng malaking turnout ng examinees para sa susunod na taon at ang CSC ay nagtalaga ng 86 testing centers para sa darating na exam sa Marso.

Pahayag ni Nogralez mas marami ang maa-accommodate na examinees at mas maraming pagpipiliang lugar kung saan nila nais kumuha ng exam.

Inatasan na rin ni Nograles ang lahat ng CSC Regional and Field Offices na maghanda para sa pagdagsa ng mga aplikante simula sa unang araw ng filing, lalo na’t marami pa rin sa ating mga kababayan ang nag-aasam na makakuha ng eligibility at makapagsilbi sa pamahalaan.

Pinayuhan din nito ang lahat ng interested applicants na huwag nang hintayin ang huling linggo o huling araw ng pagpa-file ng application, ngayon pa lang, maaari ngmakipag-ugnayan sa mga CSC Regional at Field Offices upang malaman ang mode of filing at procedures na angkop sa kanilang lugar.

Para sa kumpletong detalye ng application requirements at procedures, ang CSE-PPT applicants ay inaabisuhang basahing mabuti ang Examination Announcement No. 11, 2022, na naka-post sa CSC website.

Sa kabilang dako, patuloy na pina-alalahanan ni Nograles ang mga kawani ng pamahalaan ang kanilang tungkulin ang maayos na serbisyo publiko.