-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang Commission on Human Rights (CHR) sa isang bill na humihiling na magpataw pa ng mas matinding kaparusahan laban sa mga kusa at walang pinipiling paglalabas ng mga baril.

Sa isang statement ay sinabi ni CHR executive director Jacqueline de Guia na ang anumang firearm-related violence ay banta sa human rights partikular na sa karapatan ng bawat isa na mabuhay.

Aniya, dahil sa patuloy na pagtaas ng gun violence sa bansa, ang patuloy din na lumalaki ang mga alalahanin hinggil sa usapin ng gun ownership na kinakailangan aniya na agad matugunan.

Una rito ay ikinatuwa ni de Guia ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senate Bill 2501 o ang Act Penalizing Willful and Indiscriminate Discharges of Firearms.

Ayon sa executive director, ang naturang panukalang batas ng Senado ay isang welcome legislative measure kasama ang patuloy na firearm safety education na makakatulong sa pagprotekta sa pangunahing karapatan ng mga Pilipino.

Sakaling malagdaan ito bilang isang ganap na batas, sinabi ni de Guia na ang panukala ay mag-aamyenda sa mga probisyon ng Revised Penal Code patungkol sa discharge of firearms.

Samantala, mahaharap naman sa pagkakakulong ng hanggang apat na taon at dalawang buwan ang sinumang mapapatunayang mamamaril gamit ang anumang uri firearm maliban na lamang kung ito ay may kaugnayan sa isang krimen na may mataas na parusa.

Mas mataas naman ng isang antas ang ipapataw na parusa sa mga magkakasala na miyembro ng militar, military auxiliary agencies o iba pang law enforcement agencies.