-- Advertisements --

Sinupalpal ng China ang naging kautusan ng Estados Unidos na huwag payagang makapasok sa bansa ang lahat ng turistang manggagaling o nanggaling sa China nitong nakaraang dalawang linggo.

Taliwas umano ito sa panawagan ng World Health Organization (WHO) na iwasan ng mga bansa na magpatupad ng travel ban para sa mga Chinese nationals.

Ayon kay Hua Chunying, tagapagsalita ng Chinese foreign ministry, sa kabila umano ng paalala ng WHO hinggil sa travel ban ay itinuloy pa rin ito ng Amerika.

Hindi raw maituturing ng China bilang “gesture of goodwill” ang ginawa ng US.

Inanunsyo na rin ni Australian Prime Minister Scott Morrison ang travel ban sa lahat ng kanilang mga paliparan.

Daan-daang mamamayan naman mula South Korea at India ang inilakas na rin sa Wuhan, China at isasailalim sa two-week quarantine.

Samantala, kumilos na rin ang tropa militar ng China upang magbigay tulong sa mga mamamayan ng Wuhan, China kasabay ng muling pagtaas ng death toll sa lungsod sanhi ng novel coronavirus.

Inanunsyo ng Chinese health authorities na umabot na sa 362 ang nasawi dahil sa NCov at mayroon nang 17,205 cases sa buong mundo.