-- Advertisements --

Nanawagan si Chinese Ambassador Huang Xilian sa Pilipinas at China na muling mag-dialogo at pakinggan ang sigaw ng mamamayan na piliin ang kooperasyon sa halip na alitan.

Ang naturang pahayag na ito ni Huang ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa noong Sabado, Hunyo 7.

Dumalo sa ginanap na okasyon sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga senador, business leaders, at mga kinatawan ng Filipino-Chinese community.

Gayunman, kasabay ng pahayag ay nagpapatuloy ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS), kung saan paulit-ulit na lumalabag ang China sa eksklusibong economic zone (EEZ) ng Pilipinas at hindi pa rin kinikilala ang 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas.

Sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr., naging mas matatag at lantad ang posisyon ng bansa sa pagtatanggol ng soberanya, habang patuloy ang presensya ng mga barko ng China at paggamit ng water cannons laban sa mga Pilipinong mangingisda.

Giit ni Huang, ang Pilipinas at China ay magkalapit na kapitbahay na hindi maaaring paghiwalayin. Umaasa umano ang China na mas maraming Pilipino ang makikiisa upang ayusin ang relasyon ng dalawang bansa.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pagiging tapat ng China sa usaping diálogo, kasunod ng militarisasyon nito sa mga pinag-aagawang teritoryo.