-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sa rehas ang bagsak ng isang chief barangay tanod matapos niyang barilin ang kanilang barangay kapitan at sinunog pa ang sariling pamamahay sa Upper Brgy. Dayawan, Villanueva, Misamis Oriental.

Kinilala ang nahuling suspek na si Pepe Hulguin, 56 at residente sa naturang lugar.

Sinabi ni Villanueva Municipal Police station commander Police Major Rogelio Manalang na sinunog ni Hulguin ang kanilang bahay dahil umano sa problema sa pamilya.

Ngunit ng rumesponde si Brgy. Dayawan Chairman Roberto Cabrera sa insidente, nagalit ang suspek at binaril niya ang barangay kapitan gamit ang improvised shotgun.

Nagtamo ng tama sa tiyan ang kasamang menor de edad ni Kapitan Cabrera na si Jemsmar Tacbobo na nasa malubhang kalagayan at patuloy na ginagamot sa Northern Mindanao Medical Center.

Kaagad namang nakalabas sa ospital ang naturang barangay kapitan dahil daplis lamang sa katawan ang sugat nito.