-- Advertisements --

CEBU CITY – Binalaan ni Cebu provincial Governor Gwendolyn Garcia ang mga pulis sa lalawigan na iwasan ang pananakit sa mga quarantine violators.

Ito ay matapos lumabas ang isyu kaugnay sa pagpanaw sa ilang mga lumabag sa kwarantina matapos pinarusahan sa pamamagitan ng pagpalo at pag-ehersisyo.

Hiniling ng gobernadora kay Cebu Provincial Police Office (CCPO) OIC director Col. Engelbert Soriano na mas makakabuti kung pagsabihan na lang ang mga violators na sumunod sa protocols sa halip na parusahan.

Kaugnay nito, maglalabas ng memorandum si Garcia para sa mga alkalde ng lalawigan na kung maaari tanggalin na ang pagpataw ng multa sa mga violators.

Ito’y matapos nakita ng gobernadora na karamihan ay nakakaranas ng hirap sa buhay dahil sa krisis at lalung magpapahirap lang aniya sa mga violators ang ipinapataw na multa.

Samantala, tinitiyak naman ni Col Soriano na hindi mangyayari sa Cebu ang napaulat na isyu sa Luzon area kung saan nakaranas umano ng pagmamaltrato ang ilan sa mga quarantine violators.

Suportado ni Soriano ang hakbang na ipapatupad ni Garcia lalo na ang pagpabangon muli sa ekonomiya ng probinsiya.