CEBU CITY – Binawi ng Cebu Provincial Government ang plano nitong gumawa ng Executive Order na magbabalik sa motor backriding sa probinsiya ng Cebu.
Ito’y matapos sa isinagawang public address ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na hindi pa nito pahihintulotan ang pag-angkas ng motor.
Ayon kay Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia na ang pangulo na mismo ang nagsabi kaya susunod na lang ito.
Paliwanag pa ng gobernadora na pinakinggan lang diumano nito ang hinaing ng mga Sugbuanon matapos ang naranasang hirap at kakulangan ng transportasyon, ngayon na balik na sa trabaho ang mga empleyado.
Ngunit siniguro naman ni Governor Garcia na hindi ito hihinto sa paghahanap ng paraan na matulongan ang mga Sugbuanon na motorsiklo lang ang tanging ‘mode of transportation’.
Kaugnay nito, hindi na natuloy ang special session ng mga Provincial Board Member kahapon na magtatalakay sana sa nabanggit na executive order kung saan mayorya naman sa kanila ang sang-ayon sa plano ng gobernadora.










