CEBU CITY — Pinagtawanan lang ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia ang mga kumakalat na “fake news” patungkol sa kanyang kalusugan.
Ito’y matapos na mabalitaan ng gobernadora na nagpositibo umano ito sa Coronavirus Diseased 2019 (COVID-19) at isinugod sa isang pagamutan sa Lungsod ng Cebu.
Sa naganap na virtual press briefing, sinabi nito na na-trace nila ang nagpasimuno sa pekeng ulat at napag-alaman na isa itong grupo ng mga propesyunal.
Tiwala naman si Garcia na maiiwasan nito ang kumakalat na virus upang mailigtas din ang buong probinsya sa lumalalang epekto ng pandemya.
Hindi rin aniya malinaw sa gobernadora kung bakit patuloy ang pagtuligsa ang ilang kritiko laban sa kanya kagaya ng pagpapakalat ng maling impormasyon patungkol sa kanya.