-- Advertisements --

CEBU CITY – Umaasa ngayon si Cebu City Mayor Mike Rama na maging positibo ang resulta sa muling gagawin nilang “investment begging” sa Maynila na layong makakuha ng pondo para sa iba’t ibang mga proyekto ng lungsod.

Inihayag ni Rama kaninang umaga, Setyembre 12, na muli siyang babiyahe at susubukang makakuha ng pondo mula sa mga negosyante doon para mapondohan ang mga programa upang makamit ang Singapore-like city.

Kung maaalala, nagtungo sa Maynila si Rama noong nakaraang buwan para sa isang serye ng invest meetings kung saan nagbunga ito ng mahigit P1.3 bilyong halaga ng funding commitment para sa pagkumpleto ng Cebu City Medical Center (CCMC) at pagtatayo ng mga medium-rise buildings (MRBs).

Sa pagkakataong ito, umaasa naman si Rama na makahingi ng tulong kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magdiriwang ng kanyang ika-65 kaarawan sa bukas, Setyembre 13.