Nasungkit ng Bulgarian singer na si Dara ang panalo sa 70th Eurovision Song Contest dahil sa kanyang kantang “Bangaranga.” Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanalo ang Bulgaria sa naturang patimpalak.
Ayon sa ulat, hindi kabilang si Dara sa mga paboritong mananalo, ngunit nakuha niya ang mataas na puntos mula sa mga hurado at boto ng publiko dahil sa kanyang masigla at powerful na performance.
Pumangalawa naman ang Israeli contestant na si Noam Bettan. Naging kontrobersyal ang patimpalak na ginanap sa Vienna dahil sa mga protesta at boycott kaugnay ng partisipasyon ng Israel sa kompetisyon.
Umabot sa 25 bansa ang lumahok sa finals, kung saan iba’t ibang genre ng musika ang itinanghal. Pumangatlo ang Romania, kasunod ang Australia at Italy.
Sa kabila ng kasiyahan sa kompetisyon, naapektuhan ito ng mga isyung pampulitika at panawagan ng ilang bansa na alisin ang Israel sa paligsahan.
















