-- Advertisements --

Nagbabala ang consumer watchdog at think tank na Pinoy Aksyon na ang panukalang zero transfer fees ay mas pumapabor sa malalaking financial institutions kaysa sa mga bagong players sa industriya.

Ayon kay Bencyrus Ellorin, convenor ng transparency at consumer watchdog na Pinoy Aksyon, “Unfair at disadvantageous sa new players at taliwas ito sa financial inclusivity na isinusulong ng gobyerno.”

Dagdag pa ng grupo, tila pinapatay ng malalaking bangko ang mga bagong players na nagpalawak ng access sa financial services para sa masang Pilipino.

“Obviously, papogi points. Apektado nito ang maliliit na players at papaburan ang mga bangko,” giit ng Pinoy Aksyon.

Ipinaliwanag ng grupo na ang mga online fund transfer platform ay mahalagang kasangkapan para sa financial inclusivity dahil madali itong gamitin at naaabot maging ng mga mamamayang limitado ang access sa pormal na sektor ng pagbabangko.

“Nauunawaan ng mga mamimili na ang mga platform na ito ay mga negosyo at hindi mga kawanggawa,” dagdag pa ng grupo.

Noong Hulyo 4, nagkabisa ang BSP Circular No. 1238 na nag-aatas sa mga bangko na magpatupad ng “makatwiran at makatarungang market-based pricing” para sa electronic fund transfers.

Ayon sa Pinoy Aksyon, kung magiging opisyal na polisiya ang zero fees, kabaligtaran ang magiging epekto nito sa layunin ng financial inclusivity.

“Kung ang layunin ay makabuo lamang ng mga pahayag na maganda pakinggan ng publiko, dapat pag-isipang mabuti ng mga gumagawa ng desisyon sa pamahalaan ang panukalang ito,” dagdag ng grupo.

Naniniwala ang watchdog na ang tamang direksiyon ay ang pagpapatupad ng makatwiran at makatarungang pagpepresyo, kasabay ng mga patakarang magpapahusay sa karanasan ng mga mamimili sa pamamagitan ng pag-aalis ng labis na singil at pagpapabuti ng serbisyo ng mga bangko.

“Walang saysay na pumila sa bangko, kung minsan ay ilang oras pa, para lamang makapaglipat ng pera. Ang kaginhawaan, accessibility, at mas magandang kabuuang karanasan ng mga mamimili ang dahilan kung bakit mas pinipili nila ang mga electronic fund transfer platform,” diin ng grupo.