-- Advertisements --

Nakadipende pa rin sa magiging resulta ng isasagawang pagpupulong ng Party-list Coalition sa July 2 kung matutuloy ang naunang plano na bloc voting para sa speakership race sa 18th Congress.

May ilang kongresista kasi ang pumalag sa paglalagda ni Party-list Coalition president at 1-Pacman Rep. Michael “Mikee” Romero sa manifesto of support kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni 1-SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta “very ideal position” para sa coalition ang bloc voting at ito raw ang kanilang pinaka-direksyon na tinatahak.

Sa pamamagitan daw kasi ng bloc voting ay maipapakita nila ang lakas na mayroon ang Party-list Coalition at para ipabatid din sa speaker-aspirant na mananalo pagsapit ng Hulyo 22 na hindi dapat iniitsapuwera ang kanilang hanay.

Pero ang actual dynamics aniya ay dipende pa rin sa kung ano ang magiging resulta ng kanilang botohan sa susunod na linggo.

Kaya may posibilidad aniya na hindi masunod ang bloc voting para sa iisang speaker-aspirant.

“Much would depend on what it will it become on the form of our meeting, kung ano ang magiging ending nun, much will depend on that,” ani Marcoleta.

“So hindi natin ma figure out kung talagang it is a total bloc dahil nga everybody is engage in getting his or her individual input on that kind of voting,” dagdag pa nito.