Ibinasura ng isang federal judge ang sexual harassment claims ni Blake Lively laban kay Justin Baldoni kaugnay ng kanilang pelikulang ”It Ends With Us” noong 2024.
Ayon sa hukom, ang umano’y maling ginawa ni Baldoni ay nakatuon lamang sa karakter ni Lively sa pelikula na kanilang ginagawa noon, at hindi nangangahulugang pananamantala sa kanya. Bukod dito may kalayaan din daw ang mga direktor na gumawa ng desisyon sa set basta naaayon ito sa script.
Gayunpaman, maaari pa ring ituloy ni Lively ang kanyang reklamo laban sa Wayfarer Studios, production company ni Baldoni, para sa umano’y paninira sa kanyang career matapos niyang ireklamo ang pambabastos sa kanya sa set.
Nakaiskedyul ang paglilitis sa Mayo 18, at plano ni Lively na magpatotoo tungkol sa mga ginawa ng studio laban sa kanyang reputasyon.
Malugod namang tinanggap ng abogado ni Baldoni ang desisyon, at sinabing “significantly narrowed case” at iginiit na ‘walang ginawang mali ang kanyang kliyente.
Ang kaso ay nakatawag-pansin sa Hollywood, at posibleng maging testigo sina Taylor Swift, Gigi Hadid, at Hugh Jackman na ayon kay Lively may sapat na impormasyon para suportahan ang kanyang mga paratang.
Maalalang naghain si Lively ng kaso noong Disyembre 2024, na naglalaman ng reklamong harassment, paninirang-puri, paglabag sa privacy, at paglabag sa civil rights nito, habang iginiit ni Baldoni na may karapatan siyang kumuha ng crisis management firm matapos makaladkad ang kanyang pangalan.











