Umaasa ang Bureau of Internal Revenue na maaabot na nito ang target collection ngayong 2023, kasabay ng inaasahang malawakang paggasta ng publiko ngayong huling kwarter.
Ayon kay BIR assistant commissioner Jethro Sabariaga, umaasa silang magpapatatag sa kanilang kabuuang collection ngayong taon ang malawakang paggasta ng publiko, kasabay na rin ng kapaskuhan.
Maliban sa paggasta ng publiko, umaasa rin ang BIR na gagamitin ng mga government agency ang kanilang mga pondo sa mas maluwag na paraan ngayong huling kwarter.
Batay kasi sa datus na hawak ng Bureau of the Treasury, lumalabas na bumaba ang koleksyon ng BIR sa mga nakalipas na buwan kumpara sa naging koleksyon nito noong nakaraang taon.
Halimbawa dito ang nakulekta ng ahensiya na P152.2 billion nitong Setyembre na mas mababa ng 12.36% sa nakulekta nitong tax noong Setyembre, 2022. Umabot noon sa P173.6 billion ang nakulekta ng naturang ahensiya.
Gayonpaman, kung susumahin ay mas mataas pa rin umano ang collection ng BIR sa unang 9 na buwan ng 2023 kumpara sa kabuuang koleksyon nito sa unang 9 na buwan ng 2022.
Noong 2022 kasi ay umabot lamang sa P1.73 trillion ang nakulekta ng BIR habang ngayong taon ay umaabot na sa P1.86 trillion.
Pero ayon sa ahensiya, hindi pa rin nito naaabot ang target collection na P1.93 trillion.
Ito ay katumbas ng apat na porsyentong kakulangan o kabuuang P75.3 billion.