ILOILO CITY – Natagpuang wala nang buhay ang isang binatilyo na tadtad ng saksak at duguan sa gilid ng irigasyon sa Brgy. Pulo Maestra Vita, Oton, Iloilo.
Ang biktima ay si Raymundo Flores III, 15-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Raymundo Flores Jr., ama ng binatilyo, sinabi nito na huling natamaang naglalaro ng basketball ang kanyang anak kahapon ngunit hindi ito nakauwi sa kanilang bahay hanggang natagpuan na lang na isa nang bangkay.
Ayon kay Flores, blangko pa rin sila hanggang sa ngayon kung sino ang posibleng gumawa ng karumal-dumal na krimen sa kanyang anak.
Ayon naman kay Richell Joy Flores, kapatid ng biktima, na-involve sa rambol ang kanyang kapatid noong nakaraang mga buwan ngunit naayos na ito matapos nagharap-harap at nag-usap ang magulang ng magkabilang panig.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Oton PNP hinggil sa insidente.