-- Advertisements --

NAGA CITY- Pinayuhan ng BFAR-Bicol ang mga fish cage owner sa Rehiyong Bikol partikular sa Buhi at Baao-Bato Lake na maglow stocking o babaan ang pag-stock ng isda sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rowena Briones, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Bicol, bagamat wala pang naitalang mga mangingisda na direktang naapektuhan ng nasabing El Niño Phenomenon, patuloy naman ang kanilang mga isinasagawang hakbang upang mabantayan ang mga palaisdaan sa buong Bicol Region lalo na sa mga malalaking bayan na nagsusuplay nito.

Ayon pa sa opisyal, hindi nila inaalis ang posibilidad ng pagkakaroon ng fish kill, red tide, at coral bleaching o ang abnormal na pagbabago sa mga corals na posibleng maging sanhi ng kanilang kamatayan lalo na sa mga susunod na buwan.

Dagdag pa ni Briones, tuwing mayroong nararanasang matinding init ng panahon, bumababa rin ang survival rate ng mga isda na magreresulta naman sa pagkalugi ng mga mangingisda at pagbaba ng suplay ng mga ito sa mga merkado publiko.

Kaugnay nito, tuloy-tuloy naman ang kanilang isinasagawang water quality monitoring sa lahat ng mga palaisdaan at mga lawa upang mabantayan ang lagay ng mga ito at masiguro na kung mayroon mang lumitaw na problema ay kaagad na mabibigyan ng solusyon.

Binigyan diin pa ng opisyal na bago pa man pumasok ang naturang weather phenomenon, nakalatag na ang mga plano ng nasabing ahensya upang maiwasan ang malalang epekto nito sa mga palaisdaan sa buong rehiyong bikol.

Sa ngayon, regular pa umano ang status ng mga lawa at wala pang naiuulat na fish kill incident sa rehiyon.