Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang maghahanda sa publiko sa magiging new normal sa oras na alisin na ang COVID-19 quarantine protocols.
Sa botong 242 YES, at wala namang pagtutol ay naaprubahan ang House Bill 6864 o ang Better Normal for the Workplace, Communities and Public Spaces Act of 2020.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang publiko na maging bahagi na ng buhay sa mga susunod na taon o habang may banta pa ng COVID-19 ang kasalukuyang ginagawa ngayon na pagsunod sa health at safety measures.
Kabilang na rito ang palaigang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng masks, pagsunod sa social distancing at temperature checks tuwing nasa pampublikong lugar.
Dapat patuloy ding sundin ang mga safety at health standards sa mga pampublikong pagtitipon, public transportation, paaralan at mga workplaces.
Tinitiyak din naman ng panukala na napoprotektahan pa rin ang mga kabilang sa vulnerable sector.
Kapag maging ganap na batas, ang sinumang lalabag dito ay mahaharap sa pagkakakulong ng hanggang dalawang buwan o multa na P1,000 hanggang P50,000 o parehong parusa depende sa alituntunin na nilabag.
Sususpendihin naman ang lisensya ng mga establisyimentong hindi susunod sa “new normal”.
Ang mga government officials at employees na lalabag ay mahaharap sa mas mahigpit na parusa na pagkakakulong ng anim na buwan o pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000.










