-- Advertisements --

Hindi isinasantabi ni dating No. 1 overall pick Ben Simmons ang posibilidad ng pagbabalik sa National Basketball Association (NBA), matapos ang kaniyang pagpapagaling sa back injury.

Kasalukuyang nasa Austalia ang dating All-Star player para makibahagi sa minicamp ng Australian national team.

Nakatakdang maglaro ang dating NBA forward para sa Boomers sa 2028 Olympics sa Los Angeles, ngunit kailangan muna niyang dumaan sa training kasama ang national team para makakuha ng spot.

Huling naglaro si Simmons sa national team ng Australia noong 2013 kung kailan isa pa lamang siyang teenager noon. Mula noon, tatlong Olympics na ang kaniyang pinalagpas dahil sa iba’t-ibang kadahilanan, tulad ng kaniyang kalusugan.

Sa isang panayam kay Simmons, sinabi niyang bukas siya para sa isang reunion sa Philadelphia 76ers kung saan siya dating naglaro.

Sa naturang team, nagawa niyang makapasok sa All-Star Game sa tatlong season. Dati rin niyang naibulsa ang Rookie of the Year Awards noong 2017-2018.

Batay sa report ng ilang NBA insiders, may ilang team din sa liga na nag-aalok sa kaniya ng non-guaranteed deal para makibahagi sa minicamp, bago ang nakatakdang pagsisimula ng 2026-2027 Season.

Hawak ni Simmons ang career stats na 13.1 PPG, 7.2 APG, 7.4 RPG, at 1.5 SPG.