-- Advertisements --

Nagpasalamat ang Department of Health (DOH) matapos ipasa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire malaking tulong ang nilagdaang batas para mapalakas ang kasalukuyang efforts ng DOH laban sa COVID-19.

“Dahil dito may malalaan ng dagdag budget para palakasin ang ating efforts laban sa COVID-19. Prayoridad nito ang pagbili ng dagdag na equipment para sa ating mga ospital, quarantine facilities ar laboratories.”

Magagamit din daw ng ahensya ang pondong ilalaan para sa iba pang hakbang kaugnay ng pagkontra sa sakit.

“Kailangan din ang budget na ito para pagsasaayos ng health information infrastructure, pagpapalawak ng pang-access sa mga medical products at teknolohiya, at para sa iba pang efforts pampalakas at pampatatag ng healthcare system; at higit sa lahat, ang biosafety capacity ng ating bansa.”

Sa ilalim ng ipinasang batas, makakatanggap ng P100,000 compensation ang mga public at health workers na mapapatunayang na-infect ng sakit habang nasa trabaho.

May P1-milyong compensation din sa mga health workers na mamamatau habang nasa gitna ng serbisyo.

Makakatanggap naman ng P5,000 minimum hanggang P8,000 minimum subsidy ang 18-milyong pamilya sa loob ng dalawang buwan.

Binibigyan din ng batas ng kapangyarihan si Pangulong Duterte para i-realign ang pondo para sa mga hakbang ng pamahalaan kontra COVID-19.