-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi dapat hayaang mapatigil ng mga politikal na batikos at maling impormasyon ang proseso ng pananagutan sa Saligang Batas para sa gaganaping impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Inamin ni Adiong na matindi ang kinakaharap niyang pambabatikos dahil sa kaniyang pagsuporta sa impeachment partikular na sa Mindanao kung saan tanyag ang Bise Presidente, ngunit nanindigan siyang tungkulin niyang isabuhay ang Konstitusyon.

Ipinagtanggol din ni Adiong ang naging hakbang ng Kamara sa pagpapatalsik kay Duterte, at sinabing nakabatay ito sa mga ebidensya at testimonya ng mga testigo ukol sa mga paglabag sa batas at pagtataksil sa tiwala ng bayan. 

Itinanggi rin ng mambabatas ang mga lumalabas na akusasyon laban sa kaniya na layon lamang umano siyang patahimikin.

Nakatakda ang pre-trial conference ng Senado para sa kaso ni Duterte sa darating na Hunyo 18, kung saan ilalatag ng prosekusyon at depensa ang kanilang mga ebidensya at saksi bago ang pormal na paglilitis.