-- Advertisements --

Isang ospital sa Barcelona ang nagsagawa ng pioneering facial transplant kung saan ang donor, sa kauna-unahang pagkakataon sa mundo, ay nag-alay ng kanyang mukha bago isagawa ang assisted dying procedure.

Ayon sa Vall d’Hebron Hospital, ang komplikadong operasyon ay kinailangan ang transplant ng composite tissue mula sa gitnang bahagi ng mukha.

Pinagtulungan nang halos 100 medical experts, kabilang ang mga psychiatrist at immunologist ang naturang operasyon.

Napag-alaman naman na ang recipient, na nakilala lamang sa pangalang Carme, ay nag-karoon ng facial tissue necrosis dulot ng bacterial infection mula sa kagat ng isang insekto, na nakaapekto sa kanyang pagsasalita, kumain, at makakita.

Nabatid din na ang ganitong kaso ay dapat ang donor at recipient ay magkapareho ng kasarian, blood group, at halos magkapareho ang sukat ng ulo.

Bukod dito kilala ang Spain pag-dating sa organ transplants sa buong mundo kung saan noong 2021, naging ika-apat na bansa sa European Union para gawing legal ang euthanasia o ang pagpapabilis o pagtulong sa kamatayan ng isang tao na may malubhang sakit o matinding paghihirap na nararanasan dahil sa kanyang sakit.

Ayon sa ospital, kalahati ng anim na facial transplant na naisagawa sa Spain ay isinagawa ng Vall d’Hebron staff. Dito rin isinagawa ang unang full face transplant sa buong mundo noong 2010.

Hindi tinukoy ng tagapagsalita ng ospital ang eksaktong petsa ng operasyon para sa privacy ng kanilang patient ngunit ayon sa Reuters ito ay naganap noong autumn ng 2025.

Samantala noong nakaraang taon iniulat na may humigit-kumulang 6,300 organ transplants na naisagawa sa Spain, kung saan ang kidney ang pinakakaraniwan, ayon sa Health Ministry habang noong 2024, 426 tao ang tumanggap ng assistance in dying, ayon sa datos ng pamahalaan sa Spain.