BAGUIO CITY – Isinailalim na rin sa lockdown ang Barangay Poblacion East sa Lamut, Ifugao kung saan nakatira ang isang 65-anyos na lalaki na kauna-unahang positibo nga COVID-19 sa lalawigan.
Ayon kay Ifugao Governor Jerry Dalipog, hindi kailanman nagtungo sa labas ng Lamut ang naturang senior citizen ngunit apat na beses itong na-confine sa Panopdopan District Hospital sa naturang bayan dahil sa chronic heart problems at pneumonia.
Sinabi niyang nakalabas ng pagamutan ang pasyente pagkatapos ng pitong araw.
Ang naturang senior citizen ay kaibigan at kapit-bahay ng suspected COVID-19 patient na nasawi sa ibang dahilan.
Inihayag ni Dalipog na isinasagawa na ang contact tracing at pagkilala sa mga high-risk health workers, pag-quarantine, disinfection at ang pagsasagawa ng limitasyon sa mga aktibidad ng Panopdopan District Hospital at iba pang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID doon.
Idinagdag ng gobernador na dahil sa pagkakatala ng unang kaso ng COVID 19 sa Ifugao ay hindi muna itutuloy ang planong pagpapauwi sa mga estudyanteng residente ng Ifugao na-stranded sa ibang lugar.
Kaugnay nito ay ipinag-utos na ni Lamut Mayor Mariano Buyagawan Jr. ang pagsasagawa ng checkpoint ng lahat ng barangay sa bayan at tanging ang mga mayroong medical emergency ang papahintulutang makapasok sa Barangay Poblacion at lalabas sa bayan.