ROXAS CITY – Patay ang isang barangay kagawad matapos pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng pulang Toyota Innova sa isang talyer sa Barangay Cagay, Roxas City.
Nagtamo ng mga tama sa kaniyang ulo at katawan ang biktima na si Kagawad Onel ‘Dodoy’ Arandez ng Barangay Punta Tabuc, nitong lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Master Sergeant Ramil Arcangeles, tagapagsalita ng Roxas City Police Station, inihayag nito na habang nagpapaayos ng kaniyang motorsiklo sa Arandez sa naturang talyer ay bigla na lamang dumating ang isang sasakyan sakay ang mga suspek.
Ayon sa mga nakakita ay apat na mga indibidwal na may suot na ‘bonnet’ ang bumaba mula sa sasakyan kung saan dalawa sa mga ito ang nagpaulan ng bala kay Arandez.
Nabatid na dati nang naaresto si Arandez sa ikinasang drug buybust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Dagdag pa rito, itinuturing na High Value Target si Arandez dahil isa itong public official at kabilang rin sa Directorate for Intelligence (DI) list ng pulisya.
Ngunit nilinaw ni Arcangeles na hindi pa nila matukoy sa ngayon kung ano ang motibo ng mga suspek sa pagbaril-patay sa naturang barangay kagawad.