-- Advertisements --

Inaasahang magbibigay-linaw ang bank at tax records nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio sa isyu ng umano’y paglaki ng kanilang yaman.

Ito ang inihayag ni House Prosecution Spokesperson at Kabataan Partylist Rep. Renee Co.

Ito ay matapos isumite ng mga bangko at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Senate impeachment court ang mga dokumentong ipinatawag sa pamamagitan ng subpoena. 

Kabilang din sa hinihinging ebidensya ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa mga transaksyon ng mag-asawa.

Ayon kay Co, mahalagang masuri ang mga rekord upang maikumpara ang mga ito sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) at income tax returns (ITRs) ng Bise Presidente. 

Nauna nang iniulat ng AMLC na may P6.7 bilyong “covered” at “suspicious” transactions na na-flag ng mga bangko, habang ipinakita naman sa SALNs na tumaas ang net worth ni Duterte mula P7.5 milyon noong 2007 hanggang mahigit P88 milyon noong 2024.

Iginiit naman ng prosecution na may kapangyarihan ang impeachment court na suriin ang mga banko at tax records bilang bahagi ng paglilitis.